April 14, 4:30 PM. Nasa ilalim kami ng puno nakaupo ng mga Auntie at Uncle ko ng hinatid ng pinsan kong si Itang ang isa kong batang pinsan na si Yanang (Alyana). Nagulat kaming lahat sa nakita naming hitsura ng bata, maiiyak ka sa awa at halos di ka makapaniwala kasi wala pang isang oras mula nung huli naming makita na ang sigla niya at nakikipaglaro pa sa iba niyang mga pinsan pero nung idating siya sa amin ay nakangiwi na ang bibig niya sa left side, tumutulo ang laway at nakatingin lang sa iisang direksiyon ang kaniyang mga mata. Shocked kaming lahat at hindi namin siya makausap. Hindi namin alam ang aming gagawin kung itatakbo ba namin agad sa ospital pero may nagsabi na malamang nabati daw ito ng multo. Hindi na kami nagdalawang-isip ng Nanay ko, binuhat ko siya sa tricycle at pinunta sa isang faith healer sa Sobol. Kahit inaatake na ako ng nerbiyos kapag mahal mo sa buhay ang nakataya hindi ko na iniisip ang sarili ko. Habang nasa daan kami, wala pa ring pagbabago ang kaniyang hitsura, napansin naming lalo pa itong lumala kasi ang kaniyang mga kamay na nakakuyom ay naninigas na pati ang kaniyang mga paa. Hindi ko alam kung saan ako kumuha ng lakas ng loob pero nilakasan ko ang loob ko at kinakausap namin ang bata. Nung nakarating kami sa bahay ng albularyo, hindi ko alam kung bakit halos hindi ko na mabuhat at maibaba ng tricycle ang pinsan ko samantalang lagi ko naman siyang binubuhat kapag kunukulit ko silang magpipinsan. Nagpapatulong na ako sa Nanay ko kasi para na akong bumubuhat ng isang matanda sa bigat ng pinsan kong 5-years old. Sa sobrang nerbiyos ko ay hindi ko alam kung paano ko siya nabuhat at naitakbo ko pa sa bahay ng albularyo. Pagkagulat ang reaksiyon ng lahat ng dinatnan namin doon at ng dasalan siya ay bigla siyang nagsuka ng nagsuka. Napakarami ng kaniyang sinuka. Inilabas namin sa bahay at kinandong ng Nanay ko habang tinitignan siya nung albularyo ng napansin naming nangingitim na ang mga bibig ng bata na parang wala ng buhay kaya't nagdesisyon kaming itakbo siya agad sa ospital. Mga ilang minuto lang mula ng umalis kami sa bahay nung albularyo ay nagmulat ng kaniyang mga mata ang bata at parang okay na siya kaya di pa kami nakararating sa ospital ay nagdesisyon na kaming iuwi namin siya. Ang hirap nung sitwasyon na hindi mo alam kung ano ang gagawin mo at kung paano ka magdedesisyon sapagkat wala ang kaniyang mga magulang. Kitang-kita namin na guminhawa na ang kaniyang pakiramdam habang pauwi kami ng bahay. At nang makarating na kami sa amin natural marami ang nakikibalita pero wala pang halos isang minuto ay nangitim na naman ang kaniyang mga bibig kung kaya't itinakbo agad namin siya sa ospital. Natatakot lang kami kasi ang sabi ng mga nanggagamot ng mga binati ng multo o ng kung anong elemento, once na tinurukan mo ang pasyente ng gamot o kahit na ano mula sa ospital ay hindi mo na siya maibabalik sa dati o worse ay makukuha na siya ng kung anumang elemento. Habang nasa ospital kami unti-unti ng guminhawa ang pakiramdam nung bata at umiyak siya.
ANO ANG NANGYARI?
Nang mahimasmasan na ang bata ay tinanong ko siya kung meron bang masakit sa katawan niya. Sabi niya wala daw. Tinanong ko kung ano ang nakita niya. Ayon sa mga kalaro niya, naglalaro daw sila ng taguan kasama ang iba pang mga bata nang makita na lang nila na nakatayo siya at ganun na nga ang hitsura niya. Ang sabi sa akin ni Yanang ay may nakita daw siyang matandang lalaki na nakabitin. Doon na nabuo sa isip ko kung ano talaga ang nangyari sa bata. Habang tuliro kami sa kung anong gagawin sa bata kanina ay nag-text na pala ang Mama niya sa isa niyang kaibigan at pinatawas na ito. Ayon sa nagtawas, nabati talaga ito ng multo kung kaya ganun ang nangyari sa pinsan ko.
SINO IYONG MATANDANG NAKABITIN?
Ayon sa kuwento ng mga lola ko, yung neighborhood namin dati ay hindi pa ganun ka-populated. Around 50's daw nung may isang matandang binata na nagbigti doon sa isang bayabas malapit sa likod namin na nagngangalang Quintin (SLN). Ayon pa sa kanila, nagbigti nga kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin na-bless ang kaniyang kaluluwa. Inisip namin ang nangyari sa bata, nakangiwi ang kaniyang bibig, tumutulo ang kaniyang laway at halos nakatirik ang kaniyang mga mata. Naninigas ang kaniyang mga kamay na nakakuyom, nakaihi pa sa kaniyang shorts at halos hindi ko mabuhat sa sobrang bigat nung ibaba ko siya sa tricycle. Ayon sa nagtawas sa kaniya, ang nangyari sa bata ay halos ganun ang hitsura nung matandang lalaki na nakita niya noong nagbigti ito. Pumasok daw sa katawan nung bata ang matanda kung kaya halos hindi ko ito mabuhat sa sobrang bigat. Mabuti na lang at may mga taong tumulong sa amin at napawi lahat ng bigat sa dibdib namin nung iuwi namin siya at hindi na i-confine at patakbo niyang sinalubong ng yakap ang lola namin nung nakarating kami sa aming bahay tatlong oras buhat nung magsimula ang lahat. Mamayang 12 ng tanghali ay mag-aalay kami at ipagdarasal ang kaluluwa nung matanda para na rin sa kaniyang ikatatahimik. Walang mawawala kung gagawin ang lahat ng ito sapagkat hindi mo talaga maipaliwanag ang mga bagay na imposibleng mangyari hangga't hindi mo ito naranasan. Paulit-ulit mang bumabalik yung nararamdaman ko na parang trauma pero naalis ito kapag nakikita ko ang aking mga pinsan at pamangkin na masaya nang naglalaro.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento